Ako Bilang Late Bloomer: UAAP Season 75 Women's Volleyball

Oh hi, malapit na pala magtapos ang March wala man lang ako naisulat na matino. Yung macao trip nga na nais ko sanang ishare e di ko pa nalalagyan ni-isang letra.

Sa mga nakalipas na buwan naging busy ako bigla. Nag ka interes kasi ako sa larong volleyball. Palagi kasi sa bahay, pagkatapos ng Eat Bulaga na lagi naming pinapanood, pinipindot na ang remote para maghanap ng magandang palabas. Palagi namang natataon na may laro sa Studio 23. 

Nung mga nakaraang taon, di ko na maalala kung kelan, mahilig talaga manood si Hubby ng UAAP Volleyball lalo na yung mga Volleybelles. Panahon pa ata yun ni Mommy Dulce ng Adamson, Cha Cruz at Angela Benting na palagi nya sakin nababanggit, pero di ako makarelate. Alam nyang wala akong interes sa UAAP/NCAA simula ng makapagtapos kami. Kilalang manlalaro ko lang noon e Basketball team ng PCU, na aming Alma mater. 

[Alma Mater, mabanggit na din ang salitang yan at ang NCAA, noong nag aaral pako ng BS Mass Communication sa PCU e ninais kong sumali sa Cheering Squad. Alam kong wala akong background dito pero ginusto ko lang talagang sumali. Di naman ako athletic, mahilig lang ako sumayaw noon pa man kaya naisip kong mag-baka sakali at mag tryout. Di pa man din ako nakakapag pasa ng pangalan para sa tryout ay kumalat na sa squad ang pag nanais kong magtry out. Hindi naging maganda ang araw na yon sakin. Sa isang tambayan sa campus na kung tawagin ay "Tutuban" may isang Cheerleader ang nag approach sakin: Ikaw ba si Sherlyn? Gusto mo daw magtry out? Sige nga mag Split ka nga? Mag Tumbling ka dito ngayon? " Sa aking pagkagulat ay itinanggi ko ang pagka gusto kong sumali. Para saakin, di pa man din ako nakakaapak sa Court e nabully na nila ako. Wag na lang. 

Simula noon ay umusbong ang pagka bitter ko sa Cheering Squad ng aming Unibersidad. Mabuti sana kung magagaling. Buong pasasalamat ko na lang na di ako nakasali doon dahil sa tuwing maglalaro ang Kuponan ng PCU ay wala man lang silang maipakitang bagong cheerdance.]-- at kusang lumabas ang pagkapait ko. bakit ko nga ba naipasok iyon? Ahh ayun nga, simula noon ay umusbong na ang pagka-uyam ko sa anumang laro ng NCAA.

Balik tayo sa Volleyball. Natantandaan ko nagyayaya si Hubby manood ng live game, pero ako, bilang walang panlasa sa Sports ay mabilis tanggihan ang akad ni hubby. Dumating ang Season 75 ng UAAP at dahil nga sa napapadalas na pagpihit sa Studio 23 tuwing hapon ay unti-unti akong nagkaron ng pagka-gusto sa larong ito. Nakita ko na lang ang aking sarili na napapahiyaw sa mga palo at pagtira ng magkakalabang kuponan. Mas lalong natuon ang aking atensyon noong nag harap ang WVT ng ADMU at DLSU. Sa pagkakaalala ko ay bandang Enero na yun. Unang tumatak sa isip ko sina Valdez, Ho at Cainglet. Oo tama, una kong napansin ang ADMU. Gusto ko na sila. Dumating ang Championship at dito ay napansin kong nalulunod na ako sa larong Volleyball. Di ko alam, parang naiintindihan ko na ang laro, kahit late bloomer na sa edad na 28, mahal ko na Volleyball ngayon. Kung noon pa man ay naintindihan ko na ang Sport na to marahil ito na din ang naging buhay ko.

Game 1 ng kampeonato, panig pa din ako sa ADMU. Unang 2 sets ay pabor sa knila. Akala ko ay magtutuloy tuloy na ngunit nasungkit pa din ng DLSU ang laro. Namangha ako sa galing ng Lady Spikers. Ang aangas, ang bangis, magaling, may puso sa paglalaro. Pano masusungkit ang game na yun kahit lamang na ang kalaban ng dalawang sets? Nanumbalik ang binitawang salita ng aking ka-opisina na Lasalista, "Iba ang Lady Spikers, may puso sa laban, humanda kayo".

Gumabao, Galang, Reyes, Gohing, Demecillo, Fajardo at Marano, ilan sa mga pangalang nagpamangha sakin. Lalo na Si Abigail Marano, kitang kita sa knya yung magaling na Kapitana. Sa tuwing makakapuntos ang kalaban ay pinapalakas nya ang loob ng mga kasama nya. Sa pagyakap nya, pagkausap at paghawak sa mukha ng teammates nya, parang nakita ko sa knya ang isang ina na nag papaalala sa mga anak nya na kakayanin nila. Walang humpay na pag chi-cheer sa mga kasama nya sa court. Walang pagod na mababakas sa knya. Mga katangiang nagpahanga sa akin sa kanya.  Tama ang ka-opisina ko iba ang puso ng Lady Spikers.

Hubby, Gohing, Reyes and Gumabao
**Sobrang daming fans ni Mika, di ko kinaya ang mga kabataang gustong magpakuha ng litrato kasama sya.

with Gohing, Galang, Gumabao and Fajardo

Game 2, panig sa ADMU ang buong bahay, pati na din ang anak ko ay panig sa kanila. Ako lang ang naniniwala sa DLSU. Kinakantyawan akong balimbing. Ok lang, basta sa sarili ko alam kong PUSO ang labanan dito sa Game 2 at meron nun ang DLSU. Unang set pa lang ay nagpakita na ng bangis ang lady spikers. Yung tipong gustong gustong manalo. Fierce kung fierce! hampas kung hampas! Angas kung angas! Pero isa lang ang napatunayan ko sa laro ng DLSU, sa bawat hampas at angas, sinasamahan nila ng tiwala sa kakayanan ng bawat isa at talino sa pagtira. 3 sets dire-diretso, panalo! Nakamit ng Lady Spikers ang 3-peat. 

Para akong Lasalista sa saya! Parang isa ako sa kanila. Naramdaman ko yung napawing pagod dala ng pagkamit ng 3-peat. Ang sarap sa pakiramdam. Naiyak pa ko sa pagtanggap nila ng tropeo.

Ilang araw matapos ang Championship ay tuloy tuloy ang paghihintay ko sa kanila sa mga balita at TV shows. Para akong PBB teen na hibang sa pagsunod sa mga idolo nila. Sa kabilang banda ay malakas itong makabata ng aura. Dumating ang sandaling pinakahihintay ko at alam kong di ko makakayanang palagpasin. ika-23 ng Marso iyon sa Razon bldg ng DLSU, isang meet and greet event ang handog ng Lady Spikers. Kahit na ADMU ang bet ni hubby ay hinila ko sya para masamahan ako. Gustong gusto ko makita silang lahat lalo na ang pinaka idolo kong si Aby Marano. Kahit mahaba ang pila at kahit may pasok pa ako sa trabaho ng tanghali ay nagpunta kami.

Ang tamang pag o-autograph.., sa puso.

Madaming kabataan na malamang ay 10 taon ang tanda ko na nakapila din doon. Napapangiti ako na kahit huli na sa edad ko ang maging taga sunod at taga suporta sa Lady Spikers ay naroon ako't nakiki-gulo. 

Hindi naman ako nabigo at nakaharap ko at nakasama sa larawan ang Lady Spikers at lalong lalo na si idol.

Aby and me

Hanggang sa muling Season ng UAAP. Mukhang ilang bwan pa mula ngayon bago ang laban, patuloy ko pa din susuportahan ang kanilang kuponan, kahit youtube muna sa ngayon ay muli't muli kong papanoorin ang laban nila, kahit yung mga taong pinalampas ko, gusto kong maging isa sa bawat hirap at tagumpay ng Lady Spikers. 

Kahit di ako Lasalista.

Aby #2
sa puso ko. :)




Comments